LA UNION – Inihain na ng pulisya ang kasong robbery with homicide laban sa dalawang suspek na umano’y pumaslang sa isang college instructor sa Bauang, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Maj. Jeofrey Sanchez, hepe ng Bauang Police Station, sinabi nito na nahuli ang mga suspek na sina Darwin Soriano, 21; at ang isang 16-anyos na binatilyo na kapwa residente ng Barangay Pagdalagan Sur sa nasabing bayan dahil na rin sa video footages ng CCTV camera at tulong ng ilang residente.

Ayon kay Sanchez, sinubukan pa umanong magtago ng mga suspek sa bahagi ng Aringay, La Union at Sual, Pangasinan ngunit natunton din sila ng kanilang tracking team.

Base sa imbestigasyon, kasama umano ng biktima ang mga suspek na nag-inum sa dalampasigan at nakaroon ang mga ito ng hindi pagkakaunawaan kasunod ang pamamaslang.

Tinangay rin ng mga suspek ang mahahalagang kagamitan ng biktima.

Nanatili sa pangangalaga ng pulisya si Soriano, habang nasa Department of Social Welfare and Development ang naturang minor de edad.