BR LA UNION – Mayroon nang tinitignang person-of-interest ang pulisya sa nangyaring pamamaslang sa isang 29-anyos na babae sa Naguilian, La Union.

Una nang isinangguni sa Naguilian MPS na nawawala ang biktima na kinilalang alias si “Thelma” noong Enero 31 na papasok sana sa kanyang trabaho ngunit kalaunay hindi ito dumating sa pinagtatrabahuan niyang mall.

Ayon kay PltCol. Lawrence Ganuelas – PIO ng La Union Police Provincial Office, nahanap ang biktima bandang alas-7:30 ng umaga, Pebrero 2, na nasa state of decomposition na sa Barangay San Isidro sa nasabing bayan.

Base sa report ng Naguilian Municipal Police Station, natagpuan siya ng isang magsasaka na nakahiga nang walang buhay sa madamong bahagi ng bundok.

Agad namang nakipag-ugnayan ang pulisya sa Municipal Health Office at humingi ng tulong sa SOCO para sa pagproseso ng crime scene.

Batay sa report ng SOCO, mayroon itong marka ng strangulation o pananakal sa leeg ng biktima gamit ang strap ng kanyang bag.

Maliban pa rito ay tinitignan ang posibilidad na ginahasa ang biktima ngunit hinihintay pa sa ngayon ang resulta mula sa crime laboratory upang makumpirma ito.

Nagsasagawa na rin ng backtracking ang pulisya at nakikipag-ugnayan sa mga lugar at establishimento na posibleng may kopya ng cctv na maaaring dinaanan ng biktima.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasion at pagkalap ng karagdagang impormasion ang pulisya hinggil sa nasabing krimen.###

[Reference: LUPPO, Naguilian MPS]