Tiwala si Tito Norman Tinio, isang pageant blogger/mentor, na malakas ang laban at mag i-standout si Bea Millan-Windorski sa Miss Universe 2026 na magaganap sa Puerto Rico sa buwan ng Nobyembre.
Ayon kay Tinio, may laban si Bea kung pagbabasehan ang mga nakumpirmang delegado at naniwala ito na siya ang pinakaangkop na kandidata na mag-rerepresenta ng bansa sa international stage.
Sa naganap na coronation night noong Mayo 2, ipinaliwanag nito na hindi lamang ang performance rito ang naging basehan sa resulta ng kompetisyon.
Aniya, may mga cumulative portions na naipon ang mga kandidata sa lahat ng areas ng kompetisyon gaya ng swimsuit, evening gown, charity work, sponsor visits, mga feedbacks, at iba pa. Kaya naman bago pa ang coronation night ay nakapag-ipon na ng malaking kalamangan si Bea laban sa kaniyang mga kapwa kandidata.
Matatandaang nakoronahan bilang Miss Universe Philippines 2026 si Bea Millan-Windorski na pambato ng probinsiya ng La Union.
Inaasahan din na iaanunsyo sa Mayo 10 kung sino-sinong mga kandidata ang makakatanggap ng iba pang korona mula sa organisasion.
Mensahe ni Tinio sa ating mga kababayan na ibigay ang buong suporta para kay Windorski sa kabila ng pagkakaroon ng sariling pambato o paborito, dahil siya ay isa nang Miss Universe Philippines na kakatawan sa bansa at hindi na lamang bilang Miss Universe La Union.





