Ibinahagi ni Edson Esteban, trainor ng La Union Wrestling Team, ang mga hamon sa paghahanda ng kanyang mga atleta para sa Palarong Pambansa 2026 sa Agusan Del Sur, kabilang dito ang mahigpit na pagbabantay sa mga atleta na minsang lumalabas o tumatakas upang kumain sa labas, kasabay ng pagbibigay-diin sa disiplina at tamang nutrisyon bilang susi sa tagumpay.

Ayon kay Coach Esteban mahalaga ang mahigpit na diet ng mga atleta na binubuo ng itlog, gulay at black coffee at sa bawat meal ay limitado sa isang tasa ng kanin upang mapanatili ang tamang timbang.

Dagdag pa niya, ang patuloy na pag-eensyo, pananalig sa Panginoon at pagiging mapagkumbaba ay ilan sa mga pundasyon ng kanilang pagsasanay.

Ibinahagi rin niya ang kanyang pagmamalaki sa progreso ng kanyang mga atleta na aniya ay naia-apply ang mga tinuturo niya sa ensayo at nananalo sa mga aktwal na laban.

Masaya rin siya dahil naging bahagi siya ng koponan bilang coach ng La Union Wrestling Team. Gayunman nanawagan siya ng patuloy na pagsuporta para sa kanilang koponan at hinihikayat ang mga atleta na huwag tumigil sa pag-eensayo kahit walang kompetisyon upang hindi mawala ang kanilang kondisyon.