Wala pang natatanggap na pormal na request ang Philippine National Police (PNP) mula sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagkansela ng lisensya ng mga baril ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay PNP Acting Chief PIO Col. Allen Rae Co, sakaling matanggap ang nasabing request ay agad itong ie-evaluate at aaksyunan alinsunod sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at sa Revised Implementing Rules and Regulations nito.
Aniya, maaaring ma-revoke agad ang firearms license kapag natugunan ang alinmang kondisyon sa batas, at sapat na ang isang kondisyon upang maging batayan ng kanselasyon.
Ang Firearms License Revocation and Restoration Board sa ilalim ng Civil Security Group ang tutukoy kung may basehan para sa kanselasyon.
Nauna nang sinabi ng NBI na plano nitong hilingin sa PNP ang pagkansela ng lisensya ng senador.
Samantala, sinabi ng abogadong si Jesus Falcis sa isang post na may higit 100 baril umano si Senador Dela Rosa, ngunit hinihintay pa ang kumpirmasyon mula sa Firearms and Explosives Office ng PNP kung lehitimo ang ulat.





