Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng wastong nutrisyon at kalusugan, pinangunahan ni Mayor Ma. Clarissa “Manang Bong” Lee, katuwang ang Ilocos Center for Health Development (CHD) Region I at Barangay Council ng Calumbaya, ang pagsasagawa ng mga aktibidad na pangkalusugan at pangnutrisyon sa Barangay Calumbaya noong Hulyo 10, 2026.

Nagtipon ang mga bata, kanilang mga magulang, at iba pang residente para sa Nutrition Month Thematic Talk at PuroKalusugan Orientation na naglalayong mapalawak ang kanilang kaalaman tungkol sa wastong nutrisyon at pangangalaga sa kalusugan.

Bahagi rin ng programa ang pagtatapos ng mga kalahok sa Pabasa sa Nutrisyon Program, kabilang ang mga buntis at nagpapasusong ina, mga mag-aaral sa day care kasama ang kanilang mga magulang o tagapangalaga, at mga Barangay Nutrition Scholar.

Nagkaroon din ng mga talakayan hinggil sa Ecological Solid Waste Management at Oral Health Care. Binigyang-diin sa mga sesyon ang kahalagahan ng pagpapanatili ng malinis na kapaligiran, wastong pangangalaga sa katawan, at pagsunod sa healthy lifestyle upang makaiwas sa mga karamdaman.

Kasabay nito, nagsagawa rin ng tree-planting activity kung saan nagtanim ng mga punong malunggay at iba pang punong namumunga upang hikayatin ang mga residente na pangalagaan ang kalikasan. Nagkaroon din ng libreng medical at oral check-up upang mailapit ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa komunidad.

Patuloy namang isinusulong ng Bayan ng Bauang ang mga programang nagpapalawak ng kaalaman at humuhubog sa mabuting kalusugan ng mga bata at kanilang mga magulang, bilang pagkilala na ang wastong nutrisyon ay isa sa pinakamahalagang pundasyon ng malusog na paglaki ng bawat bata.