Pinalalakas ng Provincial Government of La Union (PGLU) ang daloy ng pampublikong impormasyon sa pamamagitan ng Communication Training and Workshop na isinagawa para sa mga key departments at sectors upang higit na mapahusay ang paghahatid ng impormasyon tungkol sa mga programa, proyekto, at serbisyo ng pamahalaan.
Sa pangunguna ng Media Affairs Office (MAO), sinanay ang mga miyembro ng Governor’s Press Corps, program managers, unit heads, at technical officers sa news writing, basics of photo composition, at visual storytelling upang mapahusay ang pagdodokumento ng kanilang mga programa at aktibidad na ginagamit sa opisyal na pag-uulat ng MAO.
Isinagawa ang mga pagsasanay sa Provincial Health Office, Provincial Cooperative Development Office, Office of the Provincial Agriculturist, at Provincial Social Welfare and Development Office noong Hunyo 15, 17, 22 at Hulyo 6, 2026. Ang bawat session ay iniayon sa mandato at pangangailangan ng bawat opisina.
Kabilang sa mga tinalakay ang tamang pagsulat ng balita, mga bahagi ng news article, wastong pag-fill out ng communication brief, photo documentation, visual storytelling, mga proseso bago mailathala ang news materials, at information innovation ng PGLU para sa mas malawak na audience reach. Tinalakay rin ang mahahalagang programang nararapat maipabatid sa publiko.
Binigyang-diin ni Media Affairs Officer Mary Joy Castillo na mahalagang maipaalam ng bawat opisina sa publiko ang kanilang mga inisyatiba, programa, at proyekto upang higit na maunawaan ng mamamayan ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan.





