Ipinahayag ng Department of Energy (DOE) ang suporta nito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang alisin ang system loss charges at kaugnay na bayarin na ipinapasa sa mga konsyumer ng kuryente.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOE na makikipagtulungan ito sa Kongreso, Energy Regulatory Commission (ERC), power industry stakeholders at consumer groups upang pag-aralan ang mga repormang magpapababa ng gastos ng mga konsyumer habang pinananatiling matatag at maaasahan ang sektor ng enerhiya.
Ayon sa ahensiya, panahon nang repasuhin ang EPIRA makalipas ang 25 taon upang matiyak na nakasasabay ang batas sa kasalukuyang kalagayan ng industriya. Binigyang-diin din ng DOE na habang patuloy na pinapahusay ng mga utility ang kanilang mga pasilidad at teknolohiya, dapat ding bumaba ang system losses at makinabang dito ang mga mamimili.
Nauna nang hiniling ni Pangulong Marcos sa kanyang ikalimang SONA na amyendahan ang EPIRA upang hindi na maipasa sa mga konsyumer ang system loss charges at ang kaugnay nitong value-added tax (VAT).





