Sinabi ni U.S. President Donald Trump na itinigil ng Estados Unidos ang mga pag-atake nito sa Iran matapos umanong hilingin ng Tehran na magkaroon ng tigil-putukan at muling buksan ang usapan sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa pahayag habang sakay ng Air Force One, sinabi ni Trump na “magalang” umanong nakiusap ang Iran na ihinto ang mga opensiba at nagpahayag ng kahandaang makipagpulong. Gayunman, nagbabala siya na maaaring ipagpatuloy ng Estados Unidos ang mga pag-atake kung mabibigo ang magkabilang panig na makabuo ng panibagong kasunduan sa ceasefire.

Subalit pinabulaanan ito ng Iran. Ayon kay Iranian Foreign Ministry spokesperson Esmaeil Baghaei, walang kasalukuyang negosasyon sa pagitan ng Tehran at Washington at hindi rin humiling ang Iran ng panibagong usapan sa Estados Unidos. Aniya, anumang pag-uusap sa hinaharap ay nakasalalay sa magiging asal at hakbang ng Washington.

Sa kabila ng magkasalungat na pahayag, nananatiling suspendido ang malawakang pag-atake ng Estados Unidos sa Iran habang nagpapatuloy ang mga pagsisikap ng mga tagapamagitan upang maibalik ang tigil-putukan at mapababa ang tensyon sa rehiyon.