Iimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang magkapatid na sina Senador Alan Peter Cayetano at dating Taguig City Mayor Lino Cayetano sa pagdinig kaugnay ng umano’y ghost flood control projects sa lungsod.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Erwin Tulfo, si Lino Cayetano mismo ang humiling na imbestigahan ang mga flood control projects sa Taguig mula 2022 hanggang 2025 na nagkakahalaga ng P6 bilyon. Nagsilbi siyang alkalde ng lungsod mula 2019 hanggang 2022.
Sinabi rin ni Tulfo na dapat maghanda si Senador Alan Peter Cayetano sa pagdinig dahil ang sarili nitong kapatid ang humihiling ng imbestigasyon. Aniya, tila may nakita umanong kahina-hinala si Lino Cayetano sa mga nasabing proyekto.
Samantala, itinanggi ni Senador Alan Peter Cayetano ang alegasyon na may mga ghost flood control projects sa Taguig City.
Magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y mga iregularidad sa flood control projects matapos ang State of the Nation Address ng Pangulo sa Lunes, Hulyo 27.





