Inanunsiyo ng pamahalaan ng Chad ang pagsisimula ng proseso ng pag-atras nito sa International Criminal Court (ICC), kasunod ng mga naunang hakbang ng Burkina Faso, Mali, Niger at Venezuela.

Sa pahayag ng gobyerno, sinabi nitong naging batayan ng desisyon ang umano’y limitadong pagiging epektibo ng ICC at ang anila’y hindi balanseng pagtutok ng korte sa mga kaso sa Africa.

Ayon sa mga ulat, kasabay rin ito ng tumitinding kampanya ng Estados Unidos laban sa ICC at panawagang muling suriin ng ilang bansa ang kanilang pagiging kasapi sa internasyonal na hukuman.

Sa ilalim ng Article 127 ng Rome Statute, magiging epektibo lamang ang pag-atras ng isang estado makalipas ang isang taon mula nang matanggap ng United Nations ang pormal nitong abiso.