LA UNION – Dead-on-the spot ang isang 28-anyos na mekaniko at drug surrenderee sa nangyaring pamamaril sa barangay road, sakop ng Barangay Dallangayan Este, San Fernando City, La Union.

Ang biktima ay nakilalang si Mark Bon Sumuingit, 28, binata at residente ng Barangay Sagayad sa nasabi ring syudad.

Posible namang nagkaroon ng di pagkakaunawaan sa pagitan ng biktima at hindi pa nakilalang suspek sa umano’y nangyaring drug transaction.

Sa pagresponde ng mga otoridad, narekobre sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala ng cal. 45 na baril, isang unit ng cal. 45 pistol, isang plastic sachet na may dalawang marijuana fruiting tops at isang plastic sachet ng umano’y shabu.

Ang biktima ay nagtamo ng limang tama ng baril sa katawan na agad nitong ikinamatay.

Samantala, nasa custodiya na ngayon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mga narekobreng droga, baril at bala para sa isasagawang mas masusi pang imbestigasyon.