LA UNION – Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang nakatakas na bilanggo na may kasong kinalaman sa iligal na droga sa bayan ng Agoo, La Union.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa Agoo Police Station, dadalhin sana sa La Union Medical Center ang naturang bilanggo na nakilala sa pangalang Teofilo Lopez upang ipasuri sa doktor matapos makitaan na may sintomas umano ito ng COVID-19.

Habang patungo sa pagamutan na sakay ng police patrol car ay tinanggal umano ng inmate ang kanyang face mask nito at inubuhan ng inubuhan ang escort nito na si Patrolman Ronald Macalino.

Pinahinto ni Patrolman Macalino ang kanilang sasakyan at bumaba ito upang maghilamos ng mukha at maghugas ng kamay.

Habang naglilinis ng katawan ang nabanggit na pulis ay biglang lumundag mula sa patrol car si Lopez at kumaripas ito ng takbo upang makatakas.

Nabigo naman ang mga pulis na mahuli ang nasabing drug personality.

Sa ngayon, inalerto na rin ng La Union Police Provincial Office ang iba pa nilang unit upang hanapin ang nakatakas na inmate.