LA UNION – Inaalam pa rin ng pulisya ang pagkakalilanlang ng mga hinihinalang holdaper na pumatay sa isang online shopping courier sa kahabaan ng Gov. Joaquin Ortega Ave., sa Barangay Madayegdeg sa lungsod ng San Fernando, La Union dakong ala-1:30 kaninang hapon.

Nakilala ang biktima na si Benn McClaude Madayag, 35, residente ng bayan ng Bauang, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ariel Flora, sinabi nito na matapos maibigay ng biktima ang binili nilang item mula sa Lazada Online Shopping sa kanilang volcanizing shop ay umalis din ito agad.

Bigla na lamang silang nakarinig ng putok ng baril at nakita na tinamaan ng bala sa leeg si Madayag.

Hindi pa umano nakontento ang gunman ayon kay Flora dahil sinunadan pa nito ang biktima at binaril muli sa pangalawang pagkakataon kasunod ang pag-angkas sa isang motorsiklo.

Tinangay umano ng dalawang salarin na kapwa naka-helmet ang bag ni Madayag.

Mismong si Flora na ang bumuhat sa duguang biktima at isinakay sa isang pick-up truck upang ihatid sa Ilocos Training and Regional Medical Center.

Samantala, binawian rin ng buhay ang biktima habang ito ay nilalapatan ng lunas.