CITY OF SAN FERNANDO, LA UNION – Nagpanawagan ng panalangin para sa kapayapaan ng buong mundo ang obispo ng St. William The Hermit Cathedral sa Ciudad ng San Fernando, La Union ngayong Semana Santa.

Ayon sa obispo, napapanahon ang panawagang ito kasabay ng patuloy na kaguluhan sa iba’t ibang panig ng mundo na nagdudulot ng pagkamatay ng mga sundalo at sibilyan.

Hindi lamang aniya ang tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia ang dapat pagtuunan ng pansin, kundi maging ang umiiral na digmaan sa Middle East.

Dagdag pa niya, malaki ang epekto ng mga kaguluhang ito sa pandaigdigang suplay ng langis na siyang dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Dahil dito, ramdam na rin ang epekto sa mga pangunahing bilihin at serbisyo, lalo na sa sektor ng transportasyon.

Umaasa ang simbahan na sa pamamagitan ng panalangin at sakripisyo ng bawat isa ay makakamit ang tunay na kapayapaan at tuluyang malulutas ang mga hidwaan, ganun din ang sigalot sa pagitan ng mga bansa.

Hinimok niya ang publiko na sumabay sa panalangin na manaig ang kapayapaang hatid ng Panginoon sa buong sangkatauhan.