Nagsagawa ang City Health Office (CHO) ng “Oplan Ligtas Tubig” simula nitong Lunes, Agosto 10, 2026, upang matiyak ang kalinisan at kaligtasan ng mga pinagkukunan ng tubig ng mga residente matapos ang massive flooding sa lungsod.

Unang tinutukan ng CHO ang mga low-lying barangay sa coastal belt. Noong Lunes, nagsagawa ng water disinfection sa mga water source sa Barangay Catbangen, Sevilla, at Madayegdeg.

Ipinagpatuloy naman ito nitong Martes sa Barangay Biday at Parian, kung saan namahagi ang CHO ng chlorine granules sa mga residente.

Ayon kay City Health Officer II Dr. Michael C. Bangloy, magpapatuloy ang disinfection sa mga water source sa Miyerkules at sa mga susunod pang araw upang maiwasan ang mga kaso ng pagtatae na maaaring dulot ng kontaminadong tubig matapos ang pagbaha.

Tatlong team ang nagsasagawa ng operasyon at target na maabot ang mayorya ng coastal at inland barangay sa lungsod. Inaasahang matatapos ang programa sa Agosto 31.

Ipinaliwanag naman ng CHO na may dalawang uri ng water source ang mga residente—deep well at tubig mula sa tubo. Para sa deep well, mismong reservoir ang dini-disinfect gamit ang chlorine dahil dito iniimbak ang tubig.

Samantala, hindi angkop na direktang i-disinfect gamit ang chlorine ang tubig na dumadaan sa mga tubo. Sa halip, binibigyan ng CHO ng chlorine granules ang mga residenteng gumagamit nito upang sila na ang maglagay sa kanilang mga imbakan ng tubig na ginagamit para sa pang-araw-araw na konsumo.

Para naman sa mga residenteng walang access sa water refilling station at hindi pa naaabot ng chlorination program, inirerekomenda ng CHO ang pagpapakulo ng tubig. Ayon sa tanggapan, ligtas ding paraan ang pagpapakulo habang hinihintay ang pagdating ng chlorine sa kanilang barangay.

May mga barangay din na naunang pinaglagakan ng CHO ng Aqua Tabs. Maaaring humingi ang publiko nito sa kanilang barangay health station, kung saan ipapaliwanag din ng mga health worker ang tamang paggamit nito batay sa dami ng tubig sa lalagyan.

Hinihikayat ni Bangloy ang mga residente na tanggapin ang serbisyong iniaalok ng CHO bilang hakbang upang maiwasan ang pagtatae at mapanatiling malinis at ligtas ang tubig na kinokonsumo ng bawat Fernando at Fernanda. (Report by Bombo Jordan Colcol)