Pinaigting ng Provincial Government of La Union (PGLU) ang kampanya laban sa dengue kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga kaso sa lalawigan, sa pakikipagtulungan ng Provincial Health Office (PHO) at mga Municipal Health Offices.

Patuloy na umiikot ang PHO sa iba’t ibang bayan upang magbigay ng suporta sa pagkontrol ng dengue. Sa Bayan ng Bagulin, nagdeploy ang PHO ng mga personnel upang magsagawa ng malawakang larval at pupal survey sa sampung barangay para matukoy at mapuksa ang mga breeding sites ng Aedes aegypti.

Namahagi rin ang PGLU ng Olyset Net rolls, mosquito nets, Dengue NS1 test kits, Resigen EC, at Aqua K-Othrine sa mga apektadong lugar. Kasabay nito ang pagpapatuloy ng fogging operations at information and education campaign (IEC) upang mapalawak ang kaalaman ng mga residente sa mga hakbang laban sa dengue. Patuloy din ang koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan sa mga alkalde upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga bayan sa paglaban sa sakit.

Batay sa pinakahuling tala ng PHO, umabot na sa 1,114 ang naitalang kaso ng dengue sa La Union mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, kung saan apat ang nasawi. Pinakamaraming kaso ang naitala sa Bagulin, Bacnotan, at Lungsod ng San Fernando.

Patuloy namang hinihikayat ng PGLU ang mga residente na makiisa sa pagpapatupad ng 4S Strategy laban sa dengue, kabilang ang paghahanap at pagpuksa sa mga pinamumugaran ng lamok, agarang pagpapakonsulta kapag may sintomas, paggamit ng proteksiyon laban sa kagat ng lamok, at pagsuporta sa fogging operations kung kinakailangan.