Binigyang-diin ni International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti, na wala nang direktang papel ang gobyerno ng Pilipinas ukol sa kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Conti, dati pang nangalap ng impormasyon ang ICC at hindi obligado ang pamahalaan na makilahok sa legal battle.
Giit nito, nasa diskarte na ito ng tribunal kung may nais linawin sa mga otoridad ng bansa o kung makukuha na ito mula sa mga available na verified documents.
Sa ngayon umano ay mahalagang tutukan ng kampo ni Duterte ang kaso dahil kapag nagsimula na ang trial ay sunod-sunod na ito.
Hindi rin kagaya sa ibang korte o quasi-judicial body ang ICC na maaaring ipagpaliban ang proceedings dahil lamang sa minor issues.
Batid ng ICC assistant to counsel na naghahanda rin ang panig ng dating pangulo, at nararapat lang naman aniyang “trial-ready” ang legal team para lubos na maipaglaban ang argumento ng kanilang kliyente. (By Bombo Victor Llantino)