Tumutulong na rin ang Philippine National Police (PNP) sa pag-iimbestiga sa pagguho ng 9-storey building sa Angeles City, Pampanga upang matukoy ang ugat ng insidente at mga posibleng paglabag sa safety at building regulations.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nagpapatuloy ang rescue operations sa gitna ng mapanganib na kondisyon dulot ng hindi stable na debris at live power lines.

Nauna nang nagdeploy ang Police Regional Office 3 ng mahigit 100 pulis para tumulong sa Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines, at Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office sa search and retrieval operations, traffic management, at pagbibigay ng seguridad sa lugar.

Nag-abiso rin ang PNP sa publiko na huwag magtungo sa lugar upang hindi makasagabal sa operasyon.

Batay sa pinakahuling ulat, apat na katao na ang kumpirmadong nasawi habang 17 pa ang nawawala. Nailigtas naman ang 26 sa 47 biktima.

Nauna nang napaulat na karamihan sa mga na-trap ay mga construction worker.