AGOO, La Union – Dead on arrival ang isang pulis matapos itong makasagasa ng aso habang nagmamaneho ng motorsiklo sa kahabaan ng McArtur Highway sa Barangay San Jose Sur sa bayan ng Agoo, La Union.

Nakilala ang 39-anyos na biktima na si Patrolman Bryan Tolentino, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion-1, at naninirahan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Aringay sa lalawigan.

Base sa imbestigasyon ng Agoo Municipal Police Office, habang tinatahak umano ng naturang pulis sakay ng motorsiklo ang kalsada ay nasagasaan nito ang isang aso na biglang tumawid sa kanyang dinadaanan.

Humambalos umano si Tolentino sa kalsada kaya nagtamo ito ng malubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Dinala sa La Union Medical Center sa bayan ng Agoo ang biktima ngunit binawian ito ng buhay.

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin kung may mananagot sa pagkakaaksidente ng nasabing pulis.

Una rito, patay rin ang isang motorcycle rider, habang sugatan ang angkas nito matapos masagasaan ang isang aso sa bayan ng Balaoan, La Union noong nakaraang linggo.