Tsustado at halos hindi na makilala ang katawan ng isang lalaki nang matagpuan ito sa kakahoyan bahagi ng bundok ng Barangay Bato, San Fernando City, La Union kaninang umaga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo La Union kay Punong Barangay Gloria Munar, nakita umano ng pamangkin nito na kukuha lamang sana ng kahoy ang nasabing bangkay at agad nitong ipinagbigay alam sa kanila.

Positibo naman itong kinilala ng ama ang biktima na si Tyrone Abuan, 21, binata at residente ng San Gabriel La Union.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad may dalawang tama ng bala mula sa hindi pa alam na kalibre ng baril ang ulo ng biktima.

Ayon pa kay Punong Barangay Munar, kahapon ng hapon at natagpuan naman ang motorsiklo na ginamit ng biktima na nasa baba ng burol.

Una rito, ipinanawagan na rin sa Bombo Radyo La Union ng pamilya ng biktima ang pagkawala nito.

Samantala, blanko pa rin ang mga otoridad sa motibo at pagkakakilanlan ng suspek.