LA UNION – Nasa mabuti ng kalagayan ang si Laila Laudencia ng San Fernando City, La Union na isa sa mga biktima ng car crash sa bansang Singapore.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa naturang Filipina worker, sinabi nito na kasalukuyan itong nagpapagaling sa loob ng bahay ng kapatid ng kanyang employer dahil hindi pa gumagaling ang sugat nito.
Base sa pagsusuri ng doktor, nagkaroon ng fracture sa paa si Laudencia.
Ikinuwento rin ng Filipina worker ang mga nangyari hinggil sa aksidente.
Masaya umano silang nagkukwentuhan ng kanyang mga kaibigan sa harap ng Lucky Plaza Mall bago nahalata nito ang humaharurot ng kotse na paparating sa kanila.
Sinubukang umilag ni Laudencia ngunit bahagya itong nahagip ng sasakyan, habang nakaladkad naman ang lima pa niyang mga kaibigan.
Nabatid na dinalaw na rin ng OWWA si Laudencia upang malaman ang mga pangangailangan nito.
Samantala, kinumpirma ni Alice Nucos na ibibiyahe na mamayang gabi mula sa bansang Singapore ang bangkay ng kanyang kapatid na si Arlyn patungo sa Pilipinas.
Inaasahan na bukas ay nakalagak na katawan ni Arlyn sa kanilang tahanan sa Barangay San Carlos sa bayan ng Caba, La Union.