LA UNION – Naihain na sa piskalya ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa dalawang surf instructor kasama ang dalawa pang indibiwal na umano’y nagpa-pot session sa surfing area sa Barangay Urbiztondo sa bayan ng San Juan, La Union.
Nakilala ang mga suspek na sina Ervin Avecilla ng Barangay Ili Sur, San Juan at Joshua Po ng Tanauan, Leyte, kapwa surf instructor; kasama ang 21-anyos na estudyante na si Raisa Villanda ng Quezon City at ang 26-anyos na artist na si Jonald Kahilig na naninirahan sa Makati City.
Nabatid ng Bombo Radyo sa San Juan Police, una silang nakatanggap ng ulat mula sa surfing area na umano’y humihithit ng droga ang mga suspek.
Sa pagresponde ng mga pulis, naaresto ang mga suspek at nakompiska ang dalawang sachet na naglalaman ng hinihinalang marijuana at ilang drug paraphernalia.
Hinihintay ngayon ng pulisya ang kahihinatnan ng inihanin nilang reklamo sa piskalya laban sa mga suspek.