LA UNION – Patuloy na binabantayan ng mga barangay official at mga magkakamag-anak ang pitong kabataan na umano’y sinaniban ng masamang espiritu sa Barangay Daramuangan sa bayan ng Naguilian, La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Punong Barangay Ramil Abun, sinabi nito na ang pagkakaputol ng malaking puno ng balete umano ang dahilan ng pagsanib ng mga masasamang espiritu sa mga kabataan a kanilang lugar.
Base sa kwento ng mga nasaniban, nakakita umano sila ng kapre at white lady matapos maputol ang naturang puno dahil sa isinasagawang road widening sa kanilang lugar.
Ayon sa kapitan ng barangay, iginapos nila ang mga kamay at paa ng mga kabataan upang hindi sila makatakbo at iuntog ang kanilang mga ulo sa lupa.
Samantala, kasalukuyang nakaantabay din ang isang albularyo ng gumagawa ng orasyon upang itaboy ang umano’y masamang espiritu na sumanib sa katawan ng pitong kabataan.