LA UNION – Mayroon na umanong lead ang mga otoridad sa umano’y tumangay sa tricycle ng isang guro sa Aringay, La Union.

Ayon kay Chief Inspector Daniel Banan, OIC ng Aringay Police Station, may sinusundan na silang suspek ngunit hindi pa nila maaring isiwalat ang identity nito para hindi madiskaril ang ginagawang imbestigasyon.

Una rito, dumulog sa himpilan ng pulisiya ang 32-anyos na teacher na si Aldrin Gagarao, may asawa, residente ng Barangay Poblacion, Aringay, La Union nang madiskubre nito na nawawala na ang kanyang traysikel mula sa lugar na pinagparadahan, matapos magsimba noong Linggo.

Siniguro naman ni Banan na gagawin nila ang lahat para maresolba ang kaso sa pamamagitan ng tulong ng mga testigo na nagbigay ng testimonya sa mga otoridad.

Samantala, pinayuhan ng opisyal ang publiko na siguraduhing naka-lock maigi ang mga sasakyan bago iwan sa isang lugar, para hindi basta-basta tangayin ng mga masasamang elemento.