LA UNION – Naharap ngayon sa kasong pamamaslang ang dalawang barangay officials at ang dalawang kasama nito matapos ang nangyaring kaguluhan sa isang kasalan sa Barangay Alaska sa bayan ng Aringay, La Union.

Nakilala ang mga suspek na sina Alaska Barangay Chairman Johnny Galano, Barangay Secretary Dominador Rulloda, kasama sina Jessie Gallano at Michael Rullan.

Base sa pagsisiyasat ng Aringay Police, kasamang nag-iinuman umano ng mga suspek ang biktima na si Vic Dulay sa nabanggit na okasyon.

Habang nasa kalagitnaan ng kasiyahan ang pagdiriwang ng kasalan ay nagkagulo umano ang nasabing grupo.

Sinaway umano ng mga dumalo ng kasalan ang mga ito kasunod ang pag-uwi ng biktima sa kanilang bahay.

Ngunit sinundan ito ng mga suspek na may hawak na itak at pinagtataga umano nito si Dulay sa loob mismo ng kanyang tahanan.

Agad dinala si Dulay ng mga kamag-anak nito sa ospital ngunit binawian rin ito ng buhay dahil sa mga natamo nitong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Naaresto naman ng pulisya ang mga nabanggit na barangay officials, habang pinahahanap naman ang dalawang kasamahan ng mga ito.

Nakuha rin ng mga otoridad ang tatlong itak na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa krimen.