DOHA, QATAR – Sinigurado ni Kean G. Santiago, Area Supervisor at Bombo International News Correspondent sa Qatar na 101% na maayos ang kanilang sitwasyon sa gitna ng lumalalang tensyon sa Middle East kasunod ng mga pagbomba ng Israel at Estados Unidos sa Iran.
Nito lamang magdamag ay nagkaroon ng press conference ang Ministry of Defense at Ministry of Interior ng Qatar at napagalamang umabot sa 65 ballistic missiles at 12 drones ang pinalipad ng Iran patungo sa kanilang bansa.
Nagawang maharang ang karamihan ngunit nakalusot ang dalawang missiles at isang drone na nagresulta sa kritikal na kondisyon ng isa sa mga walong biktima.
Ibinahagi ni Kean na ang tanging payo lamang ng embahada ng Pilipinas ay manatili sa ligtas na lugar hangga’t walang inilalabas na memo o utos gayunding kailanman ay hindi sumagi sa isip niyang mag-repatriate dahil ramdam nila na protektado sila ng gobierno ng Qatar.
Nagpanawagan naman siya sa mga nagpapakalat ng pekeng impormasyon na lalo lamang nagdudulot ng pangamba sa mga pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs).
Samantala, hindi na ikinagulat ni Kean ang mga ganitong pangyayari dahil bago sa Qatar ay nagtrabaho muna siya ng halos apat na taon sa Kingdom of Saudi Arabia at nasaksihan ang mga kaparehong pambobomba sa panig naman ng mga rebeldeng Houthi.
Ang Al Udeid Air Base (قاعدة العديد الجوية) na kilala rin sa pangalang Abu Nakhlah Airport (مطار أبو نخلة) ay isa sa dalawang base militar sa Al Rayyan, Doha, Qatar. Ito ang pinakamalaking base militar ng Estados Unidos na may halos 10k sundalo sa kasalukuyang taon.











