LA UNION – Ikinuwento sa Bombo Radyo ng isang mangingisda ang naging karanasan ng mga ito bago nila natagpuan ang bangkay ng college instructor sa dalampasigan ng Barangay Pagdalagan Sur sa bayan ng Bauang, La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Marlon Pascua, sinabi nito na gabi ng October 31 ay napansin nilang tila mayroong pumipidal sa biseklata sa kanilang bahay.
Makalipas ang ilang sandali ay nagbukas umano sa kanilang kaserola sa loob ng kusina kasunod ang tatlong beses na pagkalampag sa pintuan ng bahay.
Ayon kay Marlon, tila mayroong gustong magpasaklolo nang marinig nito ang kalampag ng pintuan ngunit hindi na nila ito pinansin dahil na rin sa takot.
Pagsapit ng madaling araw aniya ay lumabas ang kanyang asawa at napadaan ito sa dalampasigan kasunod ang pagsasabi na tila may na malaking puno o katawan ng tao.
Dali-daling kinuha ni Marlon ang flashlight at pinuntahan nito ang sinasabing bagay na naaninag ng misis sa dalampasigan.
Kalaununan ay nakompirmang bangkay ng tao ang tinutukoy ng kanyang may bahay.
Dahil dito, agad humingi ng saklolo si Marlon sa mga kaanak at sa mga otoridad.
Naniniwala si Marlon, na maaaring kaluluwa umano ng biktima na nakilala na si Joel Mendoza ang nagparamdam sa kanila bago natagpuan ang katawan nito sa tabi ng dagat.
Samantala, palaisipan pa rin sa pulisya at kaanak ng biktima ang motibo sa umano’y pananaksak at pagpatay sa kanya.