Nakalabas na sa kulongan ng Balaoan Police Station ang dalawang suspek sa nangyaring pamamaril sa bayan ng Luna, La Union.

Ito ay matapos na magbayad ng piyansa ang mga ito kahapon.

Una rito, boluntaryong sumuko sa Balaoan Police Station si mayoralty candidate Victor Marvin Marron y Ubungen, 50-anyos, isang negosyante, at residente ng Barangay Oaqui 4, sa bayan ng Luna, La Union dahil sa kasong frustrated murder.

Maliban dito ay sumuko rin na nasabing himpilan ng pulisya si Gilbert Asuncion, 36 anyos, may asawa, isang magsasaka at residente ng Barangay Sucoc Norte, sa bayan ng Luna, La Union na nahaharap sa kasong attempted murder.

Maliban kina Marron at Asuncion ay at large pa rin ang iba pang mga suspek na sina Ernesto Pajimola at Romer Taguiam na kapwa rin nahaharap sa kasong frustrated murder.

Una ng sinabi sa Bombo Radyo La Union ni PMaj. Ronald Allan Rupisan, acting chief od police ng Luna Police Station, na ikinukonsidera nila ang nangyaring pamamaril bilang isang election related incident.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo La Union kay PMaj. Lawrence Ganuelas, acting chief od police ng Balaoan Police Station, sinabi nito na kusang sumuko sa kanila si Marron matapos na matanggap ang arrest warrant mula sa korte.

Mas pinili umno nito na mabilanggo sa Balaoan Police Station dahil mas kampante umano ang buhay nito dito.

Kung maalala, nasangkot ang nasabing mga indibidual sa pamamaril na ginawa nila kay Sonny Sales, 44-anyos, residente ng Barangay Consuegra, sa bayan Bangar, sa lalawigan noong March 5, 2022.