LA UNION – Umabot na sa 1,005 ang kabuuang kaso ng dengue sa lalawigan ng La Union mula Enero 4 hanggang Hulyo 4, 2026, kabilang ang apat (4) na naitalang nasawi, ayon sa pinakahuling Dengue Weekly Surveillance Update ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) para sa Morbidity Week 26.
Sa ulat, nakapagtala ang lalawigan ng 93 bagong kaso ng dengue mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 4, 2026. Mas mataas ito ng 24.23 porsiyento kumpara sa 809 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2025, na nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng sakit sa lalawigan.
Nangunguna ang Bayan ng Bagulin sa may pinakamaraming naitalang kaso ngayong taon na may 251 kaso, dahilan upang ideklara rito ang dengue outbreak. Sinundan ito ng Lungsod ng San Fernando na may 160 kaso, Bacnotan na may 83 kaso, Rosario na may 58 kaso, at Aringay na may 54 kaso.
Dahil sa mataas na bilang ng mga kaso sa Bagulin, nagsagawa ng epidemiological investigation ang Provincial Health Office (PHO) sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH) at Municipal Health Office (MHO) ng Bagulin. Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang pinagmumulan ng pagkalat ng sakit, masuri ang sitwasyon sa komunidad, at agad na maipatupad ang mga hakbang upang mapigilan ang pagdami pa ng mga kaso.
Ayon pa sa surveillance report, ang pinakahuling date of onset of illness na naitala ay Hulyo 3, 2026, habang ang cut-off ng datos ay hanggang Hulyo 4, 2026.
Sa apat na naitalang nasawi dahil sa dengue mula Morbidity Week 1 hanggang Morbidity Week 26, tatlo ang mula sa Bagulin at isa ang mula sa Lungsod ng San Fernando. Naitala rin ang Case Fatality Rate (CFR) na 0.4 porsiyento.
Batay sa datos, ang mga nagkaroon ng dengue ay nasa edad na mas mababa sa isang taong gulang hanggang 87 taong gulang, na may median age na 15 taon. Pinakamaraming kaso ang naitala sa mga batang may edad 10 hanggang 14 taong gulang, na umabot sa 207 kaso o 20.6 porsiyento ng kabuuang bilang.
Halos magkapantay naman ang bilang ng mga tinamaan ng dengue batay sa kasarian. Naitala ang 506 kaso o 50.35 porsiyento sa mga lalaki at 499 kaso o 49.65 porsiyento sa mga babae.
Sa kabuuang 1,005 kaso, 511 o 50.85 porsiyento ang classified bilang confirmed cases, 27 o 2.69 porsiyento ang probable cases, at 467 o 46.47 porsiyento ang suspected cases.
Patuloy namang nananawagan ang Provincial Health Office sa publiko na paigtingin ang mga hakbang laban sa dengue sa pamamagitan ng regular na paglilinis ng kapaligiran, pag-aalis ng mga maaaring pamugaran ng lamok, pagsunod sa 4S Strategy ng Department of Health, at agarang pagpapakonsulta sa pinakamalapit na health facility kapag nakararanas ng mga sintomas ng dengue upang maiwasan ang paglala ng sakit. (Report by Bombo Ericka Quinzon)





