Nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa bansang Jordan. Ito ay base sa maikling interview ng Bombo Radyo La Union kay Ginang Kathryn Alaba, Bombo International Correspondent sa naturang bansa.
Si Ginang Kathryn ay 18 na taon nang Housekeeper sa Jordan at ibinahagi niya na bagama’t ‘generally peaceful’ ang bansa ay gabi-gabi naman nilang nasasaksihan ang mga nagliliparang missiles mula sa parehong Israel at Iran.
Sa ngayon ay patindi ng patindi ang palitan ng missiles ng dalawang bansa bunsod ng naunang pag-atake ng Israel para pigilan ang nuclear program ng Iran.
Ayon sa kanya, awa ng Diyos ay wala pa namang missiles ang aksidenteng bumabagsak sa kanila at maya’t-maya’y nag-aabiso naman ang mga otoridad sa pamamagitan ng sirena. Nagkalat din ang mga patrol sa mga intersections, lalo na sa border. Ang bansang Jordan ay malayo sa Iran at malapit sa Israel.
Nagpasalamat naman si Ginang Kathryn sa Bombo Radyo La Union at pinayuhang mag-ingat ang mga tao sa Pilipinas at sa mga kasama niya sa bansang Jordan.