LA UNION – Dead on arrival sa pagamutan ang 19 pasahero matapos ang banggaan ng air-conditioned bus at pribadong jeep sa kahabaan ng Brgy. San Juan sa bayan ng Agoo, La Union alas-3:00 kaninang madaling araw.

Ayon kay PCI Roy Villanueva, hepe ng Agoo Police Station, inilahad nito na patungo sa lalawigan ng Ilocos Norte ang Partas bus habang tinatahak naman ng jeep ang kabilang direksyon nang mangyari ang banggaan.

Labing siyam ang kaagad na namatay habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang 26 na iba pang pasahero.

Sa pagtungo ng Bombo Radyo News team sa pinangyarihan ng insidente, nabatid na nagtamo ng malubhang pagkasira ang jeep kung saan natanggal pa ang makina nito habang nayupi naman ang harapang bahagi ng bus.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa sanhi ng insidente. (PLAD)