La Union – Wala umano sa position ang First Aviation Academy na magsalita kaugnay ng pagbagsak ng isang trainer plane na ikinasawi ng student pilot sa karagatang bahagi ng Barangay Wenceslao, Caba, La Union kamakailan.

Ito ang naging pahayag ng First Aviation Academy sa panayam ng Bombo Radyo La Union.

Ayon sa First Aviation Academy, lahat na ilalabas na information kaugnay sa insidente ay sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) manggagaling.

Gayunman, kinumpirma ng First Aviation Academy na solo student lang noon ang namatay na si Mark Irvin Marcelo Sabile, 26, residente ng Apalit, Pampanga at walang kasamang flight instructor habang minamaneho ang nasabing eroplano.

Una na rin sinabi ni Philippince Coast Guard-La Union Commander Aloi Morales, ipapaubaya nila sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang imbestigasyon upang matukoy ang dahilan ng pagbagsak ng nasabing eroplano.

Samantala, naiuwi na ang bangkay ng student pilot sa Pampanga upang malamayan at makapiling ng kanyang pamilya.