LA UNION – Kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, Leyte, binigyang-linaw ng isang musikerong Rockstar at Trial Lawyer na si Atty. Don Carlo Ybañez na sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, ang mga batang edad 15 pababa ay karaniwang hindi saklaw ng criminal responsibility, ngunit nananatiling may pananagutan sa pamamagitan ng mga intervention measures tulad ng counseling, rehabilitasyon, community service, at mga programang pang-edukasyon.
Sa pakikipanayam ng Bombo Radyo La Union ay ipinaliwanag ni Atty. Ybañez na ang mga menor de edad na kumilos nang may discernment — ibig sabihin, nauunawaan nila ang magiging bunga ng kanilang ginawa ngunit pinili pa rin itong gawin — ay maaaring sumailalim sa pagdinig sa korte, bagama’t nananatili silang may karapatan sa espesyal na proteksiyon sa ilalim ng batas.
Ang mga batang edad 12 hanggang 15 na sangkot sa heinous crimes ay maaari ring ilagay sa Bahay Pag-asa para sa rehabilitasyon at iba pang intervention programs.
Hinimok din niya ang publiko na maging maingat sa paniniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon sa social media at hintayin ang opisyal na resulta ng imbestigasyon mula sa mga awtoridad gaya ng Philippine National Police.
Nang tanungin tungkol sa kanyang personal na pananaw, sinabi ni Ybañez na bukas siya sa posibilidad na ibaba ang edad ng criminal responsibility, basta’t ito ay nakabatay sa datos at masusing pag-aaral sa bawat kaso.
Aniya, hindi rin makatarungang isisi lamang kay Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 dahil ang pagbuo ng batas ay dumaraan sa deliberasyon, mga amyenda, pag-apruba ng Kongreso, at pagpirma ng Pangulo bago ito maging ganap na batas.
Idinagdag niya na ang pagkilos ng isang anak ay repleksyon ng mga nagpalaki sa kanya at hindi maaring isisi sa komunidad, gobierno, o maging sa social media. | via Bombo Rafael Galano






