La Union — Umabot sa 25 weather-related incidents ang naitala ng La Union Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) hanggang 5:00 ng umaga nitong Agosto 4, 2026, kasunod ng magdamag na pag-ulan na dulot ng Tropical Depression Luis, na humina na at isa nang Low Pressure Area (LPA), gayundin ng pinalakas na Southwest Monsoon (Habagat).

Ayon kay La Union PDRRMC Public Information Officer John Martin, nakaranas ng pagbaha ang mga bayan ng Bauang, Santo Tomas, at Naguilian, gayundin ang Ciudad ng San Fernando, at umabot pa ng hanggang tuhod ang tubig-baha sa ilang apektadong lugar.

Naitala rin ng PDRRMC ang mga natumbang puno at isang landslide sa bayan ng Naguilian, kung saan agad na nagsagawa ng monitoring at clearing operations ang mga kinauukulang ahensya. May power interruptions naman sa 34 barangays na sakop ng Bauang, Naguilian, at San Fernando bunsod ng masamang lagay ng panahon.

Sa kasalukuyan, 14 na pamilya o 52 na indibidwal ang pansamantalang nananatili sa loob ng mga evacuation center sa Naguilian, habang 19 na pamilya o 66 indibidwal ang nanunuluyan sa labas ng mga evacuation center.

Nagsagawa rin ang mga awtoridad ng preemptive evacuation sa mga lugar na itinuturing na delikado. Ligtas na nailikas ang 61 na pamilya mula sa mga bayan ng Bauang at Aringay bilang pag-iingat laban sa posibleng pagbaha at landslide.

Ayon kay Martin, patuloy ang kanilang monitoring sa sitwasyon at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maagap na pagtugon at paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad.

Dahil humina na ang Tropical Depression Luis at isa na lamang itong Low Pressure Area (LPA), inaasahan ng mga awtoridad na unti-unti nang hihina ang mga pag-ulan, bagama’t maaari pa ring makaranas ng paminsan-minsang pag-ulan dahil sa umiiral na Southwest Monsoon (Habagat).

Patuloy namang isinasagawa ng Provincial Government of La Union, katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang response agencies, ang lahat ng kinakailangang monitoring, preparedness, at response operations upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng bawat residente.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling mapagmatyag, patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin, at sundin ang mga abiso ng mga lokal na awtoridad, lalo na ang mga naninirahan sa mga lugar na madaling bahain at magkaroon ng landslide.