LA UNION – Hindi naitago ni La Union 2nd District Representative Sandra Eriguel ang hinanakit at paninisi sa ilang opisyal ng pulisya hinggil sa pagkamatay ng kanyang asawa na si dating Congressman Eufranio Eriguel.

Sa kanyang privilage speech sa Karama de Representante, sinabi ng mambabatas na ilang araw bago ang nangyaring ang krimen ay isa-isang inaalis ang kanilang police security detail sa kabila ng pakiusap ni dating Congressman Eriguel sa dating La Union police provincial director na si S/Supt. Genaro Sapiera dahil sa malaking banta sa buhay ng mga ito.

Ngunit, tinanggihan umano ni Sapiera ang kahilingan ng mga ito dahil sa kautusan ng kasalukuyang regional director ng Police Regional Office-1 na si C/Supt. Rumolo Sapitula na i-pullout ang mga security detail.

Ayon pa kay Rep. Sandra, bago ang miting de avanci sa Barangay Capas, Agoo sa lalawigan kung saan napaslang ang kanyang asawa ay sumulat pa ang punong barangay doon upang humiling ng police assistance sa dating hepe ng Agoo Police Station na si C/Ins. Alfredo Padilla Jr., ngunit hindi umano ito tinugunan ng opisyal.

Iginiit rin ng mambabatas na naniniwala ito na buhay pa sana ang kanyang asawa at naiwasang mangyari ang pamamaril kung hindi dahil umano sa naturang kautusan ng police regional director na tanggalin ang lahat ng kanilang police security detail at sa hindi pagtugon ng nasibak na chief of police sa kahilingan ng barangay official.

Samantala, minsan na namang hiniling ng kongresista sa mga kapwa niya mambabatas na siyasatin rin ang mga naging kilos ng pulisya hinggil sa insidente dahil ito ay mistulang pang-aatake rin sa kanilang institusyon at sa mamamayan.