LA UNION – Naka-lockdown na ngayon ang Purok 3 ng Barangay Samara, Aringay, La Union matapos may naitalang positibo sa COVID-19 sa nabanggit na lugar.
Base sa official statement na inilabas ni Aringay Mayor Eric Sibuma ngayong araw, galing ng Valenzuela City ang hindi na pinangalanang lalaki at umuwi ito sa naturang barangay noong June 21.
June 24 nang makatanggap ng ulat ang Contact Tracing and Diagnostic Team na may hinihinalang sintomas ng COVID-19 ang naturang lalaki kaya agad itong sumailalim sa swab test kasunod ang pagkompirma na positino siya sa naturang sakit.
Binigyan na rin ng kaukulang lunas ang nasabing pasyente.
Ipinag-utos na rin ni Mayor Sibuma sa mga kawani ng pulisya, barangay officials at iba pang kawani ng lokal na pamahalaan na tiyakin ang pangangailangan ng mga residente sa nabanggit na lugar habang ito ay nasa ilalalim ng lockdown.
Sa ngayon, dalawa na ang binabantayang pasyente na positibo sa COVID-19 sa buong lalawigan ng La Union matapos makapagtala rin ng isang kaso ang bayan ng Bacnotan.
Samantala, sinang-ayunan na ng IATF ang pagdedeklara ni Bacnotan Mayor Francisco Fontanilla na isailalim sa lock down sa Barangay Maragayap kung saan naitala ang kaunahang kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan.