Disclaimer: To protect privacy and ensure compliance with applicable data privacy laws, all names and other identifying information have been deliberately omitted from this script to prevent any potential breach or violation of data privacy regulations.
LA UNION — Nasubok ang pagmamahalan ng magkasintahang sangkot sa pagnanakaw ng motorsiklo matapos pumalpak ang kanilang plano sa bayan ng Balaoan, La Union.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, ang motorsiklong tinangkang tangayin ng dalawa ay hiniram lamang ng isang 23-anyos na construction worker mula sa kanyang tiyuhin. Ipinarada ng biktima ang motorsiklo sa labas ng Bungol National High School, kung saan sinamantala umano ng magkasintahan ang pagkakataon upang itakas ito.
Ayon kay La Union Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Arcellie O. Pang-ag, kapwa residente ng Pangasinan ang mga suspek. Ang 23-anyos na babae ay taga-Mapandan, habang ang 29-anyos na lalaki naman ay mula sa lungsod ng San Carlos.
Sinita sila ng isang barangay tanod at nang lapitan ang mga ito ay agad humarurot pa-Timog ang lalaking suspek, dahilan upang maiwan ang kanyang kasintahan na mag-isang inaresto ng mga awtoridad.
Matagumpay namang naibalik ang motorsiklo matapos hikayatin ng babaeng suspek ang kanyang kasintahan sa pamamagitan ng mga text messages at tawag na isauli na ito.
Ibinahagi ng magkasintahan na nandito lamang sila sa La Union upang mag-“rides,” ngunit sa pag-iimbestiga ay napag-alamang may negosyo ang dalawa na pagbebenta ng mga piyesa ng motorsiklo. Nabisto lamang ang mga ito nang pumalya ang kanilang plano dito sa probinsya.
Samantala, nagkaroon na ng kasunduan ang magkabilang panig, kaya’t hindi na itutuloy ng biktima ang pagsasampa ng reklamo.
Nagpaalala naman si Major Pang-ag sa publiko, lalo na sa mga magkarelasyong naghahanap-buhay na pairalin ang katapatan at iwasan ang anumang ilegal na gawain, dahil ang negosyong nanggaling sa kalokohan ay hindi kailanman lalago. | via Bombo Rafael Galano











