Pansamantalang isinailalim sa granular lockdown sa loob ng 15 araw ang surfing area sa Barangay Urbiztondo sa bayan ng San Juan, La Union hanggang 23, 2022 matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang indibdual doon.
Base sa Executive Order No. 04-2022 na inilabas ni San Juan Mayor Arthuro Valdriz, sarado ang lahat ng resort at hotel sa nasabing lugar maging ang lahat ng aktibidad sa dalampasigan.
Nag-ugat ang nasabing kautusan ng alkalde matapos magpositibo ang ilang nakasalamuha ng dalawang kaibigan ng tinaguriang “Poblacion Girl” ng Makati City na nakibahagi sa isinagawang konsyerto sa isang resort.
Ipinag-utos din ni Mayor Valdriz na samailalim sa RT-PCR test ang mga empleyado ng lahat ng resort at hotel na matatagpuan sa surfing area kabilang ang mga tricycle drivers na namamasada o may rota sa nasabing lugar.
Mahigpit ngayon ang pagbabantay ng mga otoridad sa surfing area upang matiyak na tutupad ang lahat sa nabanggit na kautusan ng lokal na pamahalaan at ng IATF.