LA UNION – Umaabot sa 17 sabongero ang hinuli ng pulisya dahil sa tupada o pagsasabong ng mga manok sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng La Union.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa La Union Police Provincial Office, mula sa naturang bilang ay 10 kalakihan ang naaresto sa Barangay Bangaoilan East sa bayan ng Bangar; lima sa Barangay Patac sa bayan ng Sto. Tomas; at dalawa sa Barangay Dulao sa bayan ng Aringay.

Kabilang din sa mga sasampahan ng kaso ang mga nakilalang kalalakihan na tumakas habang isinasagawa ang pagsalakay sa mga sabongan.

Sa isinagawang operasyon ay nakompiska ng mga operatiba ang kabuuang 24 na bilang ng panabong na manok, P7,000 na pera na pinaniniwalaang pusta ng mga suspek at iba pang gamit para sa tupada.

Inihain na ng pulisya sa piskalya ang kasong paglabag sa Cockfighting Law laban sa mga naturang kalalakihan na iligal na nagpapasabong ng manok.