LA UNION – Ihahain na ng pulisya sa piskalya ang patung-patong na kaso laban sa apat na sinasabing notorious na carnappers na nahuli sa Barangay Camp 1 sa bayan ng Rosario, La Union.
Nakilala ang mga suspek na sina Orlando Hernandez Jr., tubong Sison, Pangasinan at naninirahan sa Dasmarinas, Cavite; Albert Hipolito ng Tandang Sora, Quezon City; Edwin Trinidad ng Lamesa Street, Valenzuela City; at John Paul Tolentino ng Talipapa, Quezon City.
Maliban sa tunay na pangalan, si Hernandez ay nagpapakilala rin umano bilang Mark Sigua at Rolando Vallejos.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay S/Supt. Ricardo Layug Jr., provincial director ng La Union Police Provincial Office, sinabi nito na nadakip ang mga suspek dahil sa sumbong ng biktima na si Alvin Macalam ng Tanza, Cavite, sa mga tauhan ng Rosario Police Station at Highway Patrol Group.
Base umano sa kuwento ni Macalam ani Layug, July 26, 2018 nang rentahan ng mga suspek ang kanyang Toyota Innova ngunit hindi na ito ibinalik sa napag-usapang araw.
Kahapon ay nakita ng biktima ang mga suspek sa Manila at sinundan niya ito hanggang sa mapadpad sa bayan ng Rosario kasunod ang pagsumbong sa mga pulis.
Ayon kay Layug, tinatawag na “rent-tangay” modus ang pamamaraan ng mga suspek upang makuha ang gusto nilang sasakyan.
Nakumpiska rin mula sa kanilang pag-iingat ang limang sachet na naglalaman ng hinihinalang marijuana, limang piraso ng bala para sa cal .45 na baril, granada, at iba’t ibang uri ng bogus na identification cards, matapos ipatupad ng mga pulis ang search warrant na inilabas ng hukuman.
Natuklasan din ng pulisya na si Hernandez ay mayroong warrant of arrest dahil sa kasong carnapping, habang si Hipolito ay kasuluyang may kinakaharap na kasong estafa at falsification of public documents.
Ang naturang grupo ay sangkot umano sa mga serye ng nakawan at pagtangay ng mga sasakyan sa iba’t ibang lugar.
Dagdag pa ni Layug na maraming tinangay na sasakyan ang mga suspek base sa mga natatanggap na tawag sa telepono at nagtutungo sa Rosario Police Station at nagpapakilalang mga nabiktima.
Sa ngayon, inaalam ng pulisya kung saan dinadala ng mga suspek ang mga tinatangay nilang sasakyan.
“Iniimbestigahan na rin namin at ng HPG kung saan posibleng dinadala ng mga suspek ang mga tinatangay nilang sasakyan,” dagdag ni Layug.
Kasong paglabag sa Comprehensive on Dangerous Drugs Act, illegal possession of ammunition and explosives, at carnapping ang reklamong kakaharapin ng grupo sa piskalya.