LA UNION – Arestado ang apat na hinihinalang shoplifter matapos umanong magnakaw ng iba’t ibang paninda mula sa ilang establisimyento sa loob ng isang mall sa Barangay Biday, City of San Fernando, La Union noong Hulyo 13.

Batay sa ulat ng City of San Fernando Police Station (CSFPS), bandang alas-11:48 ng umaga nang rumesponde ang mga pulis matapos maaresto ng mga security guard ng mall ang apat na suspek sa isang restobar na nasa tapat ng nasabing mall.

Kinilala ang mga suspek na isang 29-anyos, dalawang 26-anyos na pawang residente ng Sinagtala Street, Project 8, Bahay Toro, Quezon City, at isang 18-anyos na residente ng Barangay Culiat, Quezon City.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang bandang alas-10:30 ng umaga nang mapansin ng isang stock clerk sa hardware section ang isa sa mga suspek na nag-abot ng isang nakakahong electric water heater sa kaniyang kasamahan. Itinago umano ito sa likod ng backpack habang ang dalawa pa nilang kasama ay sadyang inabala ang mga empleyado ng tindahan upang mailihis ang kanilang atensyon.

Matapos nito, sabay-sabay umanong lumabas ang apat na suspek nang hindi binabayaran ang mga kinuha nilang paninda. Agad namang iniulat ng stock clerk ang insidente sa Customer Relations Supervisor (CRS), na nagsuri sa CCTV footage at nakumpirma ang umano’y pagnanakaw.

Sa isinagawang operasyon, natunton at naaresto ng mga security guard ang mga suspek sa isang restobar sa tapat ng mall.

Narekober mula sa mga suspek ang iba’t ibang hindi nabayarang paninda, kabilang ang isang boxed electric water heater na nagkakahalaga ng ₱11,999, isang gray winter jacket na nagkakahalaga ng ₱799, tatlong jogging pants na nagkakahalaga ng ₱699 bawat isa, apat na hanky towels na nagkakahalaga ng ₱79 bawat isa, apat na body spray na nagkakahalaga ng ₱125 at ₱128 bawat isa, at isang bote ng baby cologne na nagkakahalaga ng ₱148.

Kinumpirma ng mga awtorisadong kinatawan ng hardware store, surplus shop, at Bench na hindi nabayaran ang mga nasabing produkto at umano’y kinuha mula sa kani-kanilang mga tindahan.

Matapos ang pag-aresto, isinailalim sa medical examination ang mga suspek sa City Health and Wellness Center bago dinala sa City of San Fernando Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. Inihahanda na rin ang kasong theft laban sa mga naarestong suspek.(Report by Bombo Ericka Quinzon)