

LA UNION – Sumailalim sa Department of Tourism (DOT) Market Tourism Evaluation ang City of San Fernando Public Market nitong Miyerkules, Hulyo 15, bilang bahagi ng Market Tourism Initiative ng ahensya.
Isinagawa ang pagsusuri upang matasa ang potensiyal ng pampublikong pamilihan bilang isang tourism destination. Ang City of San Fernando Public Market ay kabilang sa Top Three Public Markets sa Pilipinas na napili para sa opisyal na evaluation sa ilalim ng programa ng DOT.
Nagsimula ang evaluation bandang alas-9:00 ng umaga sa pamamagitan ng pag-iikot ng evaluation team sa Dry Market at Wet Market. Kabilang sa mga lumahok ang humigit-kumulang 15 kinatawan mula sa DOT Central Office, Department of Tourism Region 1 sa pangunguna ni Assistant Regional Director Evangeline Dadat, at Local Economic and Business Development Office (LEBDO) ng City Government of San Fernando sa pangunguna ni Rizalyn D. Medriano. Dumalo rin si City Councilor Kyle Marie Eufrosito Y. Nisce, kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang travel and tour associations.
Sa Dry Market, ipinakita sa mga evaluators ang iba’t ibang produktong gawa ng mga lokal na Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs), kabilang ang knitted bags, walis tambo, pamaypay, at iba pang lokal na produkto. Samantala, sa Wet Market ay namalengke mismo ang mga evaluators ng sariwang gulay, karne, isda, at iba pang produktong pagkain upang maranasan ang aktuwal na pamimili sa pampublikong pamilihan.
Ayon kay Yvette Capiral, General Manager ng Fast Travel and Tours at organizer ng isinagawang tour, kakaiba ang konsepto ng pagsasama ng City of San Fernando Public Market sa kanilang mga tour package dahil nag-aalok ito ng mas experiential at mas makabuluhang karanasan para sa mga turista.
Sinabi rin ni Capiral na naniniwala siyang magiging kaakit-akit ang naturang tour kapag regular na itong maisama sa kanilang mga travel package. Aniya, inaasahang makatutulong ito sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya dahil bukod sa mga tindero at negosyante sa palengke, makikinabang din ang iba pang mga establisimyento at destinasyong bibisitahin ng mga turista sa lungsod at sa iba pang bahagi ng La Union. (Report by Bombo Jordan Colcol)





