LA UNION – Kinumpirma ti La Union Police Provincial Office na mayroon na silang sinusundang lead hinggil sa pagkamatay ng umano’y suspek na sangkot sa nangyaring pagbaril noon sa mayor ng bayan ng Marcos, Ilocos Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay S/Supt. Ricardo Layug Jr., provincial director ng LUPPO, sinabi nito na dalawa ang anggulo na sinusundan nila sa imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ni Reynard Mostales ng Luna, La Union.

Maliban sa unang napabalita na kasapi umano ng tinaguriang Ramos group at suspek rin sa pagpatay kay Mayor Arsenio Agustin ng Marcos, Ilocos Norte noong June 2017, ay tinitignan pa nila ang motibo hinggil sa ‘love triangle’ dahil sa mga ilang bagay na nakita sa loob ng van kung saan natagpuan ang bangkay ni Mostales.

Sa ngayon ay tinututukan ng mga imbestigador ang ilang miyembro ng grupo na umanoy madalas na binabalikan ang motorsiklo na nasa pangangalaga ni Mostales sa kanilang tahanan.

Una rito, si Mostales ay natagpuang duguan at nakasako ang katawan sa loob ng isang van na iniwan ng mga pumaslang sa kanya sa Barangay Corro-oy sa bayan ng Santol, La Union noong araw ng Lunes.

Matatandaan na pinagpaparil umano si Mayor Agustin habang nag-i-inspection ito ng kanyang proyekto sa bayan ng Marcos, Ilocos Norte noong June 2017.