Binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte ang kahalagahan ng pagbabahagi ng biyaya at pagmamahal sa kapwa, lalo na sa mga sektor ng lipunan na dumaranas ng matinding pagsubok.

Ayon sa Bise Presidente, sa kaniyang mensahe ngayong Kapaskuhan, tuwing ganitong panahon ay muling ipinapaalala sa atin ang biyayang hatid ng kapanganakan ni Hesus.

Ngunit sa kabila ng mga hamon sa buhay, mas nagiging makabuluhan ang pagdiriwang kung ito ay nauuwi sa pagtulong sa mga nangangailangan, mga may karamdaman, ulila, walang tahanan, biktima ng sakuna at karahasan, at mga sektor na madalas nakararanas ng kapabayaan.

“Sa kagandahan ng ating loob nagmumula ang pag-asa at katatagan ng loob at pananampalataya. At ito ang gagabay at magpapalakas sa atin bilang mga indibidwal, bilang mga pamilya, at bilang isang bansa,” wika ng Pangalawang Pangulo.

Hinimok din niya ang publiko na ipagdasal ang kapayapaan at katatagan ng Pilipinas, kasabay ng kanyang pagbati ng isang masaya at mapayapang Pasko para sa lahat ng Pilipino.(By Bombo Dennis Jamito)