Kinumpirma ng Department of Migrant Workers na patuloy pa rin nilang pinag-aaralan ang panawagan na magkaroon ng deployment ban sa bansang Kuwait.
Ayon mismo sa kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Hans Leo Cacdac, magkakaroon pa muna ng mga pagpupulong sa pagitan ng dalawang bansa bilang respeto at pagkilala sa gobyerno nito.
Ngunit nilinaw naman ng naturang kalihim, ang isinasagawang mahigpit na restriksyon pagdating sa deployment ng mga Overseas Filipino Workers ay mas paiigtingin pa.
Ani pa niya, nais nilang mamonitor ng husto ang kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa lalo na sa mga domestic helpers roon.
‘We want tighter monitoring measures in so far as domestic worker deployments are concerned and with respect to both Saudi and Kuwait there will be further talks with both our government counterparts in both those countries,’ pahayag ni Secretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers (DMW)
Dahil dito, planong ipatupad ng kagawaran ang polisiyang ‘know your employer approach’ na may layuning tiyakin na kilala ng aplikante ang kanyang employer bago pa man ito umalis ng bansa.
Kung saan, sinabi ni Secretary Hans Leo Cacdac na hindi lamang ito sa Kuwait ipatutupad kundi pati na rin sa iba’t ibang mga bansang may manggagawang Pilipino.
‘That will be applied to all other countries noh, yung aspeto ng worker lalo na yung domestic worker knowing their employer bago pa man umalis ng Pilipinas,’ ani Secretary Hans Leo Cacdac ng DMW.
Samantala, kasabay ng mga paghihigpit na ito, ang kaso naman ng namatay na Overseas Filipino Worker sa Kuwait na si Jenny Alvarado ay hindi pa rin natutuldukan.
Ayon kasi kay Secretary Cacdac, hinihintay pa rin nila ang resulta sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation habang nakahanda ang kasong isasampa nila sa employer nito. (By Bombo Grant Hilario)