SANTO TOMAS, LA UNION — Pinangunahan ng Department of Health (DOH) Ilocos Center for Health Development, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office I, Lokal na Pamahalaan ng Sto. Tomas, at mga opisyal ng Barangay Tubod, ang pagdiriwang ng National Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) Day 2026 sa pamamagitan ng information campaign at hands-on demonstration ng Hands-Only CPR, Biyernes, Hulyo 17, sa Barangay Tubod, Sto. Tomas, La Union.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng daan-daang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang bahagi ng layunin ng DOH na mapalawak ang kaalaman ng mga komunidad sa tamang pagtugon sa mga emergency, lalo na sa mga kaso ng cardiac arrest.
Pinangunahan ang programa nina Dr. Magnolia Brabante, Medical Officer IV at DOH Regional DRRM-H Manager; Dr. John Benedick C. Carbonell, Municipal Health Officer ng Sto. Tomas; Anniely J. Ferrer, Assistant Regional Director ng DSWD Field Office I; at Ronald V. Punio, DSWD Provincial Link ng Provincial Operations Office–La Union. Nagbigay sila ng talakayan at aktuwal na demonstrasyon sa wastong pagsasagawa ng Hands-Only CPR upang mahasa ang kakayahan ng mga kalahok sa pagbibigay ng agarang paunang lunas.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Dr. Brabante na layunin ng DOH na maturuan ang bawat pamilya ng hindi bababa sa isang miyembro na may sapat na kaalaman sa life-saving skills upang makapagbigay ng agarang tulong habang hinihintay ang pagdating ng mga propesyonal na health responder.
Ayon pa kay Dr. Brabante, bagama’t karaniwang isinasagawa ang mga pagsasanay sa CPR sa mga paaralan alinsunod sa Republic Act No. 10871, ito ang kauna-unahang pagkakataon na inilapit ng DOH ang programa sa antas ng barangay sa pakikipagtulungan sa DSWD.
Inaasahan aniya na maipalalawak pa ang inisyatibong ito sa iba pang mga komunidad bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng National CPR Day.
Binigyang-diin din niya na patuloy na palalawakin ng DOH ang mga programang nagtuturo ng mga kasanayang makapagliligtas ng buhay upang maging mas handa ang mga komunidad sa pagtugon sa mga emergency, kasabay ng panawagan sa iba’t ibang sektor na suportahan ang mga inisyatibang nagtataguyod ng kaligtasan at kahandaan ng mamamayan.











