Nananatiling limitado ang impormasyong lumalabas kaugnay sa pagkakahuli sa dating House Committee on Appropriations Chairman na si Elizaldy “Zaldy” Co dahil sa paglabag sa immigration laws sa Europa.
Ayon kay Virgilio Fonseca, isang Overseas Filipino Worker at Bombo International News Correspondent sa Czech Republic, sa Filipino community niya unang nalaman ang pagkakadakip sa dating kongresista.
Aniya, pangunahing dahilan ng pagkakahuli ni Co ang umano’y pagtawid nito sa border ng Czechia at Germany na kulang sa kinakailangang dokumento.
Dagdag pa ni Fonseca, nananatiling mahigpit ang imbestigasyon ng mga otoridad sa Czech Republic at sa ngayon ay wala pang inilalabas na opisyal na larawan o video kaugnay ng insidente.
Binigyang-diin din niya ang sakripisyo ng mga OFW na patuloy na nag-aambag sa ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittances, kabilang na ang pagbabayad ng buwis.
Ibinahagi rin niya na marami sa mga Pilipino sa nasabing bansa ang umaasang mapapakulong at hindi na makalabas ng kulungan si Co, dahil na rin sa eskandalo ng mga flood control projects na inuugnay sa kanyang pangalan.
Aminado si Fonseca na nagdudulot ito ng kahihiyan sa mga Pilipino, lalo na’t nasasangkot ang isang kababayan sa umano’y malawakang kaso ng korapsyon.
Samantala, matatandaang ipinasa na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Justice at Department of Foreign Affairs ang usapin para sa posibleng negosasyon sa pagpapabalik sa bansa kay Zaldy Co.











