LA UNION – Kinumpirma ng pulisya na may sinusundan sila na posibleng pangunahin na dahilan sa nagyaring pagpatay sa enumerator ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa lungsod ng San Fernando, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay LtCol. Orly Pagaduan, hepe ng San Fernando City Police Office, sinabi nito na may dalawang anggulo ang kanilang sinisiyasat hinggil sa pagpaslang sa biktima na si Gilyore Gurion ng Barangay Lingsat ng naturang lungsod.

Ayon kay LtCol. Pagaduan, kabilang sa iniimbestigahan ay ang nakaraang relasyon ng biktima at ang personal na gawain nito.

Mayroon na rin persons of interest ang natukoy ng pulisya, ngunit hindi pa nila pinangalanan ang mga ito dahil sa nagpapatuloy na pagsisiyasat.

Dagdag pa ng opisyal, nasa pangangalaga ngayon ng PNP-Anti Cyber Crime Unit ang cellphone ng biktima upang malaman ang mga nilalaman nito na maaaring magbigay ng linaw sa kaso.

Una rito, binaril ng hindi pa kilalang suspek na sakay ng isang van ang biktima sa kahabaan ng national highway sa Barangay Pagdaroan sa lungsod noong gabi ng Myerkules.