LA UNION – Inihahanda na ng pulisya ang patung-patong na kaso laban sa naaresto na hinihinalang drug dealer na may dalang mahigit kalahating milyong halaga ng shabu sa Barangay Udiao sa bayan ng Rosario, La Union kaninang ala-1 ng madaling araw.
Nakilala ang suspek na si Chuck Araos, 37, residente ng Barangay Agat sa bayan ng Sison, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Major Garry Casem, hepe ng Rosario Police Station, sinabi nito na naglagay sila ng checkpoint sa Barangay Udiao bilang bahagi ng dragnet operation matapos makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kahina-hinalang kilos ng suspek na nakasakay ng motorsiklong walang plaka na nagmula sa bayan ng Agoo, La Union.
Ayon kay Casem, sa halip na tumigil sa checkpoint si Araos ay pinaharurot nito ang minamanehong motorisiklo.
Dahil dito, nagkaroon ng habulan sa pagitan ng pulisya at ng suspek.
Nahuli din si Araos matapos humambalos ito sa sinusundang traysikel.
Natuklasan ng pulisya mula sa pag-iingat ng suspek ang mga naka-sachet na shabu na tumitimbang ng 80 grams at nagkakahalaga ng P544,000.
Dagdag pa ni Casem, si Araos ay kilalang drug dealiver na nasa watchlist ng PDEA at ilang beses na ring naaresto dahil sa naturang iligal na gawain.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang mga posibleng kasabwat ng suspek sa umano’y bentahan ng shabu.